Tuesday, February 23, 2016

PITONG ULO NG DEMONYO


 “Gidim uru-ma ur sag-imin
(Ang demonyo ng bansa, ang asong pito ang ulo).” – Kawikaan sa Mesopotamia (5,500 hanggang 1,750 BC)
Ang unang ulo ng demonyo ay ang kahirapan at kagutuman, nagpapahirap sa mamamayan, nang-aalipin sa kanilang mga katawan at kaluluwa. Mailap ang saya, malapit masyado ang suliranin, hinahamak ang dignidad, tinatawanan ang katuwiran.

Ang bansa ay parang isang ibon na inilagay sa isang hawla, isang sistema na inimbento ng mga nangolonisa at ipinagpatuloy ng oligarkiya upang magpatuloy ang paghahari at masiguradong mapapalamon nito ang sariling pagkaganid magpa-walang-hanggan. Sinisigurado ng sistema na gutom ang tao, na mananatiling sadsad at nahihintakutang nagpupugay sa oligarkiya.

Ang ikalawang ulo ng demonyo ay ang pambansang utang, utang na kagagawan naman ng korapsyon, ng pagkaganid sa pondo ng publiko na sinisibasib ng naghaharing mga pamilya na ang pinag-aawayan ay ang kayamanang ipinagkakait sa mamamayan sa lahat ng henerasyon mula pa ika-16 na siglo. Higit 30% agad ng pambansang budget taon-taon ay pawang ibinabayad na lamang sa utang ng bansa kaya’t upang may maipangtustos sa mga proyekto ang bansa ay kinakailangang mangutang muli at muli.

Ang ikatlong ulo ng demonyo ay ang kawalan ng sapat na hanap-buhay sa bansa na nagtutulak sa mga Pilipinong mangibang bansa at mapalayo sa kani-kanilang mga pamilya, na syang pangunahing nangwawasak ng pamilya bilang isang institusyon, kung mayroon mang trabaho ay sinigurado ang proteksyon ng mga naghaharing uri sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon.

Ang ika-apat na ulo ng demonyo ay ang walang habas na pagwasak ng kalikasan at paglipol sa komunidad ng mga lumad upang masunod lamang ang dikta ng kagahamanan ng iilan.

Ang ika-limang ulo ng demonyo ay ang kawalan o malaking kakulangan ng mga serbisyong inaasahan ng mamamyan sa kanilang pamahalaan, samantalang patuloy na pinupuno ang mga bulsa ng iilan sa pamahalaan na walang kabusugan sa gitna ng kasalatan ng milyon-milyon sa mamamayan. Naririyan na din ang suliranin sa droga, kriminalidad at terorismo na sintomas ng kahinaan ng pamahalaan, isang kahinaan na ibinabandera pa ng lubos ng ating kahinaan upang mapanatili ang seguridad ng buong kapuluan laban sa panganib ng potensyal  na pag-atake ng ibang bansa. Isama na din diyan ang kawalan o kakulangan ng tunay na kahandaan sa harap ng kalamidad.

Ang ika-anim na ulo ay ang pribatisasyon ng produksyon, pagproseso at distribusyon ng kuryente na patuloy na nanlilinlang sa taumbayan sa kani-kanilang mga electric bill mismo, ang tahasang pambubulag sa mamamayan ng pinupuntahan ng daan-daang bilyong pisong kita mula sa Malampaya at pag-exploit ng kapital sa yaman ng bansa sa natural gas, langis at mga mineral.


Ang ika-pitong ulo ng demonyo ay mismo ang oligarkiya na sinisiguradong mananatili silang may kontrol sa bansa para patuloy na simsimin ang yaman ng buong kapuluan at patuloy na pagkaitan ang mga henerasyon ng taumbayan.

No comments:

Post a Comment