Thursday, February 25, 2016

LAV DIAZ KAMPEON NG PILIPINAS


Napahanga tayo ni Manny Pacquiao sa paglalagay ng ngalan ng bansang Pilipinas sa global arena sa pamamagitan ng boxing. Gayun din naman ang Pilipinang si Pia Wurztbach na inihain ang titulo bilang Miss Universe, isang karangalan para din sa bansa, sa paanan ng inang-bayan.

Ngayon naman ay isang Lav Diaz, na makabagong manlilikha ng pelikula, na hindi man natatanaw ng radar ng masa dahil sa mga pelikulang ginagawa nyang hindi pang-komersyal ay kamakailan nagtamo ng malaking karangalan sa Berlin.

Ang kanyang obrang may walong oras ang haba na pinamagatang “Hele Sa Mahiwagang Hapis (A Lullaby to the Sorrowful Mystery)” ay nagantimpalaan ng Silver Bear Alfred Bauer Prize.

Nararapat lamang na kilalanin ng bawat Pilipino si Lav Diaz, na tunay na nagpakita ng mataas na talino sa larangan ng sining, na maging ang mga international film-maker at celebrity ay namamangha sa kanyang mga likha.

Kilala si Lav Diaz sa daigdig ng pelikula na may pagka-eksperimental, matituturing na katapangan ito sa anumang uri ng sining, dahil hinahamon nito ang tradisyunal sa pamamagitan ng isang bagong pagtingin sa daigdig, na sa ganang kanya, ay sa pamamagitan ng telon.


Mahahaba ang mga pelikula ni Lav Diaz, halimbawa nga itong kanyang obrang nanalo na may walong oras ang haba, kumpara sa karaniwang dalawang oras na pelikulang komersyal na ipinalalabas sa mga sinehan.

Tuesday, February 23, 2016

POEROXTERTIAGONAY: LIMANG NAIS MAGING IKA-LABING-ANIM


 “Kīma tīdû ebūrum ina kīma inanna mannum mannam i-pa-al (Kung sino ang makakakumbinsi sa taumbayan at mapangangatawanan ang sinasabing pag-puno sa kakulangan ng kasalukuyan at nakaraan ay sya ngang makakakuha ng pagsang-ayon bilang pinuno ng mamamayan at sya rin namang magbabayad at sisingilin sa kanyang mga sinalita pagkaraan).” – Kawikaan sa Imperyo ng Akkadia

Tatlo hanggang anim na buwan lamang lilipulin ni Digong ang lahat ng kriminal at korap sa buong bansa, e masaker ‘yan, baka kalahati ng buong populasyon madale nya. Para kay Miriam kailangan mataas ang mga nakuhang marka sa academic record ng ihahalal, dahil hindi umano para sa mga bopol ang pagiging pangulo ng bansa. Para kay Roxas, kailangan na kung ano ang naranasan niyang rangya ay ganyan din ang ipararanas niya sa taumbayan. Sang-ayon naman kay Binay, gagawin nyang Makati ang buong bansa kung saan ang serbisyo ng pamahalaan ay lasap ng lahat. Para naman kay Poe ibibigay niya ang isang pamahalaang may puso sa taumbayan.

Ang sabi ni Mang Kanor na tindero ng gulaman, “Sa totoo lang wala akong maiboto e, walang mapili.” Para kay Aling Bebang na naglalako ng kalamay, “Nangku e puro pangako lang mga iyan.” Para kay Mang Kosme na taga-baklas ng bakal ng mga tulay kapag tulog na ang mga pulis, “Kahit sino ang ilagay ninyo diyan magnanakaw at magnanakaw kung hindi man sila ay mga bataan nila.” Ayong naman kay pareng George na dyipni drayber, “Kaya ako’y hindi na muna boboto wala din namang kwenta ang mga tumatakbo.” Para kay Mang Isong na retiradong sundalo, “Mas maganda diyan ay isang rebolusyon, ubusin na lahat ng mga manloloko sa taumbayan at palitan ang buong gobyerno.” Easy, easy boss Isong.

Sa totoo lang, napakaganda nang ganyang may pag-dedebate ang mga tumatakbong pagka-pangulo, nalalaman natin ang laman ng mga “coconut” nila. Kung papaloko tayo e bahala tayo. Ganyan talaga ang demokrasya, kung bobo o magnanakaw ang ihalal ng taumbayan e wala tayong magagawa kundi sundin ang dikta ng balota.

Napansin ko na sa mga nagsalitang presidentiable, e tanging si Binay lamang ang consistent ang eye contact na ang tingin ay nakatuon sa mga host ng Siyete na sina Mike Enriquez at Jessica Soho at moderator nitong si John Neri. Si Duterte ay tumitingin sa mga host habang nagsasalita ngunit tumitingin din sa studio audience. Si Poe ay sa audience tumitingin, sa isang marahil ay kakilala at sa notes na nasa kanyang harapan. Si Miriam naman ay sa audience nakatuon ang tingin. Samantalang si Roxas ay hindi alam kung saan nakatingin.

Importante itong behavior ng mga mata ng mga kandidato. Sa pamamagitan ng mga mata o pagtingin ng mga kandidato, mababanaag mo kamasa kung determinado ba, nakapaghanda ba, sinsero ba, nagsisinungaling ba o sadyang wala lang alam ang isang kandidato.


Sa mga susunod na debate, bukod sa mga salita, ay atin pong bantayan ang galaw ng mga mata ng ating mga presidentiable, at habang papalapit na nang palapit ang halalan e huwag na pong kukurap, at baka sa kangkungan na naman pupulutin ang taumbayan.

PITONG ULO NG DEMONYO


 “Gidim uru-ma ur sag-imin
(Ang demonyo ng bansa, ang asong pito ang ulo).” – Kawikaan sa Mesopotamia (5,500 hanggang 1,750 BC)
Ang unang ulo ng demonyo ay ang kahirapan at kagutuman, nagpapahirap sa mamamayan, nang-aalipin sa kanilang mga katawan at kaluluwa. Mailap ang saya, malapit masyado ang suliranin, hinahamak ang dignidad, tinatawanan ang katuwiran.

Ang bansa ay parang isang ibon na inilagay sa isang hawla, isang sistema na inimbento ng mga nangolonisa at ipinagpatuloy ng oligarkiya upang magpatuloy ang paghahari at masiguradong mapapalamon nito ang sariling pagkaganid magpa-walang-hanggan. Sinisigurado ng sistema na gutom ang tao, na mananatiling sadsad at nahihintakutang nagpupugay sa oligarkiya.

Ang ikalawang ulo ng demonyo ay ang pambansang utang, utang na kagagawan naman ng korapsyon, ng pagkaganid sa pondo ng publiko na sinisibasib ng naghaharing mga pamilya na ang pinag-aawayan ay ang kayamanang ipinagkakait sa mamamayan sa lahat ng henerasyon mula pa ika-16 na siglo. Higit 30% agad ng pambansang budget taon-taon ay pawang ibinabayad na lamang sa utang ng bansa kaya’t upang may maipangtustos sa mga proyekto ang bansa ay kinakailangang mangutang muli at muli.

Ang ikatlong ulo ng demonyo ay ang kawalan ng sapat na hanap-buhay sa bansa na nagtutulak sa mga Pilipinong mangibang bansa at mapalayo sa kani-kanilang mga pamilya, na syang pangunahing nangwawasak ng pamilya bilang isang institusyon, kung mayroon mang trabaho ay sinigurado ang proteksyon ng mga naghaharing uri sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon.

Ang ika-apat na ulo ng demonyo ay ang walang habas na pagwasak ng kalikasan at paglipol sa komunidad ng mga lumad upang masunod lamang ang dikta ng kagahamanan ng iilan.

Ang ika-limang ulo ng demonyo ay ang kawalan o malaking kakulangan ng mga serbisyong inaasahan ng mamamyan sa kanilang pamahalaan, samantalang patuloy na pinupuno ang mga bulsa ng iilan sa pamahalaan na walang kabusugan sa gitna ng kasalatan ng milyon-milyon sa mamamayan. Naririyan na din ang suliranin sa droga, kriminalidad at terorismo na sintomas ng kahinaan ng pamahalaan, isang kahinaan na ibinabandera pa ng lubos ng ating kahinaan upang mapanatili ang seguridad ng buong kapuluan laban sa panganib ng potensyal  na pag-atake ng ibang bansa. Isama na din diyan ang kawalan o kakulangan ng tunay na kahandaan sa harap ng kalamidad.

Ang ika-anim na ulo ay ang pribatisasyon ng produksyon, pagproseso at distribusyon ng kuryente na patuloy na nanlilinlang sa taumbayan sa kani-kanilang mga electric bill mismo, ang tahasang pambubulag sa mamamayan ng pinupuntahan ng daan-daang bilyong pisong kita mula sa Malampaya at pag-exploit ng kapital sa yaman ng bansa sa natural gas, langis at mga mineral.


Ang ika-pitong ulo ng demonyo ay mismo ang oligarkiya na sinisiguradong mananatili silang may kontrol sa bansa para patuloy na simsimin ang yaman ng buong kapuluan at patuloy na pagkaitan ang mga henerasyon ng taumbayan.

PILIPINAS TUWID ANG KORAPSYON


“Pi-el-pi-li gamu-ra-ab-Sid (Bibigkasin ko ang kahihiyan mo).” – Kawikaan sa Mesopotomia (Mula 5,500 hanggang 1,750 BC)

Mismong ang Office of the Ombudsman na ang nagsalita na sandamakmak ang korapsyon at mga korap sa buong burukrasya ng Pilipinas. Ang paghahayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay matapos naman ding ibulgar ng Transparency International na bumagsak ang Pilipinas ng mas malala sa ika-95 mula ika-85 na korap na bansa sa buong daigdig.

Ang resultang ito ay sa gitna ng mantra ng administrasyon na “tuwid na daan” na mas popular ngayong “tuwad na daan.”

Matatapos na ang anim na taong termino ni Ginoong Noynoy ngunit mas naging korap pa ang naging pangkalahatang tingin ngayon ng taumbayan sa pamahalaan. Naging ordinaryo na ang bilyon-bilyong pisong nakawan sa gobyerno at tanggap na ang kagarapalan ng mga namumuno at mga kasabwat dito.

Nung panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang “order of the day” ay magnakaw ngunit responsibilidad mong ipagtanggol ang sarili mo at ang ahensyang pinagnakawan, ngayon animo ang “order of the day” ay magnakaw at bahala na ang pangulong magtanggol sa iyo at sa ahensiyang pinagnakawan.

Ang reyalidad ng mga Pilipino ngayon ay ang mga nakaupo sa pamahalaan ang syang may karapatang magnakaw at magpayaman mula sa kaban ng taumbayan samantalang ang mahihirap na mamamayan naman ay nararapat magdusa dahil kinagisnan na silang mahihirap.

Ang reyalidad sa Pilipinas ngayon ay hayaan nating yumaman ang mga nakaupo sa pwesto sa gobyerno dahil sila ang nakaluklok, at kung nais ninuman na umasenso din ay dumikit sa mga nasa poder sa pamahalaan.

Samantalang ang tunay na esensya ng demokrasya ay ang taumbayan ang dapat na nakapangyayari at ang lahat ng yaman ng bansa ay para sa taumbayan, ngunit taliwas dito ang nangyayari.
Ang ating lipunan ay salungat sa sintido kumon, dito ang nagnakaw ng kaunti ay minamaliit, pawang mga busabos, ngunit ang nagnakaw ng malaki ay iginagalang, hinahangaan at ginagawa pang modelo.

Dito sa ating bansa, isang pribileheyo para sa mga naluluklok sa pwesto ang magnakaw sa kaban ng bayan o ang gamitin ang impluwensya ng kani-kanilang pusisyon upang kumita para sa pangsarili.
Anupa’t ipinilit ang mga signal light sa Metro Manila samantalang epektibo naman ang mga U-turn slot na matagal pinag-aralan at inimplementa nung panahon ni Bayani Fernando sa MMDA. Lahat ng bidding sa Pilipinas ay may kulay ng korapsyon, nilalahat ko na po mga kamasa, huwag na tayong magpaka-ipokrito.

Walang bidding sa pamahalaan na walang kumitang nakaupo sa gobyerno. Ang mga kalye at drainage system sa Metro Manila, maging sa mga lalawigan ay pawang mga over-priced. Lahat po mga kamasa. Kaya over-priced dahil nakapalaman sa presyo ang porsyento ng mga nakaupo. May porsyento ang Technical Working Group, ang Bids and Awards Committee, ang representante ng COA, si mayor, ang sanggunian, si congressman at si gobernador. ‘Yung mga daanang milyunang piso ang pinag-uusapan ay mayroon na diyan si secretary, ang DBM at maaaring pati ang mismong pangulo.


Ngayon naglalabasan ang mga pondo ng pamahalaan dahil nalalapit na ang election ban para sa mga proyektong pampubliko. Kahit pa magbantay ang taumbayan, lalabas at lalabas ang mga pondong ‘yan at pupunta at pupunta sa mga bulsa ng mga nabanggit at wala po tayong magagawa kundi ang galangin sila, kabiliban at gawing modelo. Ganyan po ang reyalidad sa ating bansa. E ‘di wow.

Tuesday, February 16, 2016

ISANG MALING GALAW WORLD WAR III NA


“Ud kalam-tíl-tíl-e gù-ba-an-de uku-e še-ám-šá
(Winika ang anghel ng galit na syang pumuksa sa mga kalupaan at ang mga natitirang mamamayan ay nanaghoy).” – Kawikaan sa Mesopotamia (mula 5,500 hanggang 1,750 BC)

Nagsalita na ang Riyadh na hinihintay na lamang nito ang hudyat ng Estados Unidos at susugurin na nito ang Syria. Nagsalita naman ang Russia na sa oras na sumugod ito sa Syria ay buburahin ni Vladimir Putin ang Saudi Arabia sa mapa.

Inaasahang kapag nangyari ito ay sasali na din ang Tsina sa digmaan sa panig ng Russia at hindi malayong sumugod na din sa mga bansang kaalyado ng Estados Unidos sa Asya, malamang una na sa Pilipinas na pinakamahinang bansa sa rehiyon. Gagalaw na din ang mga warhead at mga pulu-pulutong na tropa ng North Korea na kakampi ng Tsina.

Magiging obsolete na ang usapin sa South China Sea kapag sa oras na masakop na tayo ng Tsina.  Hindi kakayanin ng Estados Unidos na i-rescue tayo sa mga panahong iyon dahil inaasahang malupit ang magiging pakikibakbakan nito sa bansang Russia at mga kaalyadong bansa nito kung saan kakailanganin nito ang kanyang buong pwersa.

Hindi nga lamang sigurado kung may mundo pa tayong madadatnan matapos ang isang digmaang nuclear.

Nasa 350,000 ang nakaumang na ipapadala ng Saudi Arabia katulong ang 25 bansang pawang mga kaalyado nito upang sugurin ang Syria at patalsikin ang pangulo nitong si Basher Hafez al-Assad. Si Assad naman ay maigting na tinutulungan ng Russia laban sa rebeldeng grupong Isis.

Malinaw ang pahayag ng Russian Duma na kapag may nagtangkang sumugod sa Syria nang walang paalam sa pamahalaan nito ay nangangahulugan ng isang digmaan. Ipagdasal ninyo mga kamasa na kasihan ng matinong pag-iisip ang mga lider ng mga bansang ito, kundi ay nanganganib na magising tayo na puro kaluluwa na lamang. 

PILIPINAS ‘WEAKEST LINK,’ DAPAT ALALAYAN


 “Ensu-bar be-ib- ul/ sag nu-ub-si-tug-e
 (Hanggang kailan mangangatakot ang kaluluwa? Kailan nga ba makasusumpong ang puso ng kapahingahan?).” – Kawikaan sa Mesopotamia mula 5,500 hanggang 1,750 BC

May nakalaan na $66 milyon para sa Pilipinas ang Estados Unidos bilang tulong sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Madadagdagan pa umano ang nasabing pondo, ayon kay US Ambassador Philip Goldberg.
Ginagawa ng Estados Unidos ang pagtulong bilang ayuda sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas na magkaroon ng kapani-paniwalang kakayahan na ipagtanggol ang sarili sa senaryong lusubin ito ng Tsina. Maging ang bansang Japan at Australia ay umaalalay na din si Pilipinas upang makamtan ng bansa ang tinatawag na “minimum credible defense system.”
Ang South China Sea ay hindi lamang alalahanin ng Pilipinas, dahil bumabagtas sa nasabing parte ng karagatan ang mahigit sa $5.3 trilyon na halaga ng kalakal taon-taon, at $1.2 trilyon ng nasabing kalakal ay kalakal ng Estados Unidos.
Lahat ng indikasyon ay nagsasabi na handang gumamit ang Tsina ng pwersa at dahas upang maisaysay at maipilit ang kanyang pinaniniwalaang karapatan sa South China Sea. Nakapagtayo na ang Tsina at patuloy na nagtatayo ng mga pasilidad para sa kanyang lakas-militar. Nagdeklara na ito ng Exclusive Economic Zone (EEZ) sa mga lugar sa South China Sea na pinagtatalunan pa ng ilang mga bansa kung sino nga ang totoong nagmamay-ari at nararapat na kumontrol.
Ang interes ng Tsina sa South China Sea ay pusisyon at langis. Sino mang maka-pusisyon sa South China Sea ay maaaring makakontrol ng kalakalan sa buong daigdig, dahil dito ay hindi masusukat ang magiging kapangyarihan sa buong mundo ng sinumang bansa na makakakupo sa South China Sea. Ikalawa ay ang nakaimbak na pinaniniwalaan ng Beijing na nasa 130 bariles ng langis na nagkakahalaga ng hindi kukulangin sa $4 trilyon ang halaga at base sa datos naman ay nasa 900 trilyon na cubic feet ng natural gas ang maaaring masususo dito na nagkakahalaga ng maaaring higit pa sa $1 trilyon.
Desperado ang Tsina sa langis, ang oil reserves nito ay 1.1% lamang ng oil reserves sa buong daigdig samantalang ang kinukonsumo nitong langis ay nasa 10% ng kabuuang produksyon ng langis ng buong mundo bukod pa sa konsumo nito na 20% sa kabuuang konsumo sa enerhiya ng buong daigdig.
Bukod sa Pilipinas at Tsina, marami pang ibang bansa sa Asya katulad ng Vietnam, Japan, Brunei, Taiwan, Indonesia, Malaysia, Cambodia, Thailand at Singapore ang may kanya-kanyang claim sa ilang mga bahagi sa South China Sea. Ngunit hindi na ito alintana ng Tsina sa pagdedeklara ng EEZ sa mga dako roon kung saan ang mga dumadaang eroplano at sasakyang pang-karagatan ay inuutusan ng Tsina na magpaalam muna dito o nanganganib na pasabugin nito. Ganito kagutom ang dambuhalang dragon, wala nang kinikilala.
Ang presensiya ng Estados Unidos sa Pilipinas ay paglalagay din ng balanse ng kapangyarihan sa parteng ito ng daigdig. Noong 1990s halimbawa ay walang kamuwang-muwang o sadyang nagbulag-bulagan ang Philippine Navy nang magtayo ang Tsina ng mga istrukturang militar sa Mischief Reef.

Lubhang wala nang kinatatakutan at nirerespeto ang Tsina sa parteng ito ng daigdig. Lalong naging agresibo ang Tsina sa pagtatayo ng mga istruktura sa South China Sea na naglalagay sa panganib sa seguridad ng mga bansa, pang-daigdigang kalakalan at kalayaan sa paglalayag sa nasabing mga dako ng karagatan bukod pa sa walang gatol na pagsira sa kalikasan. Ang pagkakaisa ng mga bansa sa Asya at presensya ng Estados Unidos sa rehiyon ay lubhang napakahalaga. Tumutulay ang Asya sa alambre sa ngayon, isang maling galaw ay maaaring mangahulugan ng digmaan. Walang kakayahan ang Pilipinas sa ganyang senaryo. Nanatiling parang musmos na nangangailangan ito ng alalay ng ibang mga bansa.