Sunday, March 6, 2016

PAGSASAWALANG-BAHALA, KAGUTUMAN AT KAMATAYAN BAON NI MAR ROXAS


 Nakikita natin na sa mga performance ni Ginoong Mar Roxas sa DOTC, DILG at sa Yolanda strategy, malaking bahagdan sa probabilidad na ang babaunin niya sa Malakanyang ay ang pagsasawalang-bahala, kagutuman ng milyon-milyong mamamayan at kamatayan.

Hindi kinakailangang maging isang manghuhula upang marating ang konlusyon na ito, kinakailangang lamang na sipatin ang track record ng nasabing dating opisyal. Malinaw ding wala namang loyalty si Roxas, nagsilbi siya bilang miyembro ng gabinete ng tatlong pangulo ng bansa.

Ano nga ba ang totoong kulay ni Ginoong Roxas? Nalaman pa natin na ang may pinakamalaking take-home pay sa isang ahensiya ng pamahalaan ay siya ang naglagay. Kung anong klaseng galing mayron itong taong ito na kanyang inilagay sa pwesto ay hindi natin alam, ngunit nagtapos ito ng isang four-year course na wala namang kinalaman sa pagpapatakbo ng ahensiyang ating pinatutungkulan.

Kroniyismo ‘yan na malaki din ang naging papel sa pagpapabagsak sa ating pambansang ekonomiya noong panahon ng diktadurya.

Ano nga ba ang mayroon si Ginoong Roxas na kalidad na maaari nating tingnan upang gawin syang pangulo?  Wala sa kanya ang henyo na nasaksihan ng mamamayan kay Ginoong Ferdinand Marcos. Wala sa kanya ang kalidad ng pamumuno na nasumpungan natin sa isang Fidel V. Ramos. Wala syang antas ng kabanalan na nakita natin noon kay Ginang Cory Aquino. Wala syang popularidad na katulad kay Ginoong Joseph Estrada. Wala syang establisadong pangdaigdigang sopistikasyon sa kasanayan at talino sa pagpapatakbo ng ekonomiya na katulad ng nasumpungan kay Ginang Gloria Macapagal-Arroyo.

Kung wala sa kanya ang antas ng mga kalidad na naniwala tayong mayroon ang mga nakaraang naging pangulo ng bansa, ay ano nga ba mayroon ang isang Mar Roxas? Si Roxas ay matiisin, na kahit na isang insulto sa kanya ang pag-bypass sa kanya sa Mamasapano Operation ay nanatiling nagpakumbaba siya sa pangulo. Si Roxas ay may  pagnanais na makadaupang-bayan ang taumbayan kahit pa nga nagbunga ng pagkutya sa kanya sa social media ang ginawa nyang pag-ta-traffic sa Commonwealth Ave., pag-salok ng tubig, pagpako ng upuang pampaaralan at pagbuhat ng sako ng bigas.

Si Roxas ay pamali-mali sa kanyang mga datos sa Yolanda, sa MRT, sa brownout at kriminalidad sa bansa. Walang iniwang kamangha-manghang katuparan si Ginoong Roxas sa lahat ng departamentong kanyang pinaglingkuran, sa DTI man, o sa DOTC o sa DILG.


Hindi natin hinuhusgahan ang galing ni Roxas na mula sa kilalang angkan ng mga pulitiko. Hindi lamang natin mabanaag ang pwedeng asahan sa kanya ng bansa sakaling siya nga ang maging pangulo. Sinisipat lamang natin ang probabilidad ng isang Roxas presidency base sa kanyang track record at kaalaman ng publiko ukol sa kanya. Good luck na lamang po Ginoong Roxas.

Saturday, March 5, 2016

TRILYON-TRILYONG PISO NAIBULSA, 2015 SA BIGAS LANG P28-B NA


(Photo from the Philippine Daily Inquirer)

Nasa 700 milyong kilo ng bigas ang naipuslit sa bansa noong 2015 na nagkakahalaga ng hindi kukulanging ng P28 bilyon. Ang naipuslit na bigas ay ayon na din sa mga datos ng United Nations. Hindi pa covered nito ang mga na-ismagel na mga karne ng baboy, manok at baka.

Napakasaya lamang talaga ang maging ismagler sa bansang Pilipinas. Ito  mismo ang dahilan kung bakit umano nag-resign si dating Bureau of Customs commissioner Tony Bernardo sa kanyang pwesto noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa isang common friend namin ni Atty Bernardo, puhunan ang integridad, malinis na pangalan at kagustuhang malinis ang BOC noon, marami syang nakabangga sa ahensya at ang pinakamabigat, napag-alaman niya na ang smuggling activities sa BOC pala ay palagiang may basbas sa Palasyo o ng mga malalapit sa Palasyo, kung kaya’t minarapat nyang mag-resign na lamang noon.

Gaano ba talaga kalaking pera ang pinag-uusapan sa ismagling sa Pilipinas? Wala kang maaasahang eksaktong pigura kung magtatanong ka sa ating pamahalaan dahil lubhang nakakahiya. Ang sagot, TRILYON-TRILYONG PISO PO. Sabihin mo ‘yan sa mga kumakain ng pagpag at baka ikaw ang malamon kamasa.

Ayon sa non-government organization na Global Financial Integrity, mula taong 1960 hanggang taong 2011, nasa P18.4 trilyon na po ang nadudugas sa ating mga kababayan ng mga ismagler. Kaya po huwag kayong magtaka kung napakagagara ng mga sasakyan at sandamakmak ang mansiyon ng mga ismagler kasi trilyong piso na po ang pinag-uusapan. Sa halagang iyan, kabuuang national budget na sana iyan sa loob ng sampung taon o isang dekada ng ating mahal na republika. Kaya huwag po kayong magtaka mga kamasa kung mahihirap ang mahigit sa 90% na mga Pilipino.

Taon-taon magpasahanggang-ngayon ay nasa P65.7 bilyon ang minimum na nadudugas sa ating kabang-bayan ng ismagling. Ibig sabihin ay 25% ang share ng ismagling sa bawat parating na angkat mula sa ibang bansa. Ang saya-saya ‘di ba? Matagal nang kilala ang mga ismagler na iyan, kung ilang beses nang lumutang ang mga pangalan nila sa media, pero pati ang media ay sangkot din dito at alam ng lahat iyan, nabubusalan ‘ika nga at ang masahol pa dito ay nakakasama na sa sindikato ng ismagling.

Ang pangalan ni David Tan na involve sa rice smuggling ay kamakailan na lamang lumabas. Ngunit marami nang katulad niyang mga higante sa ismagling ang nauna nang napabalita. 

Nandiyan si Big Mama na may 13 mga kumpanyang na ginagamit ng grupo ni Big Mama bilang mga consignees. Ang iba pang mga ismagler ay sina Kimberly Gamboa, JR Tolentino, isang alyas Moso, Aying Acuzar, ang ismagling-in-tandem na sina alyas Bobot at Tagupa, Eric Yap, Boy Valenzuela, isang alyas Bocalin, Joel Teves at Jerry Teves.




Thursday, February 25, 2016

LAV DIAZ KAMPEON NG PILIPINAS


Napahanga tayo ni Manny Pacquiao sa paglalagay ng ngalan ng bansang Pilipinas sa global arena sa pamamagitan ng boxing. Gayun din naman ang Pilipinang si Pia Wurztbach na inihain ang titulo bilang Miss Universe, isang karangalan para din sa bansa, sa paanan ng inang-bayan.

Ngayon naman ay isang Lav Diaz, na makabagong manlilikha ng pelikula, na hindi man natatanaw ng radar ng masa dahil sa mga pelikulang ginagawa nyang hindi pang-komersyal ay kamakailan nagtamo ng malaking karangalan sa Berlin.

Ang kanyang obrang may walong oras ang haba na pinamagatang “Hele Sa Mahiwagang Hapis (A Lullaby to the Sorrowful Mystery)” ay nagantimpalaan ng Silver Bear Alfred Bauer Prize.

Nararapat lamang na kilalanin ng bawat Pilipino si Lav Diaz, na tunay na nagpakita ng mataas na talino sa larangan ng sining, na maging ang mga international film-maker at celebrity ay namamangha sa kanyang mga likha.

Kilala si Lav Diaz sa daigdig ng pelikula na may pagka-eksperimental, matituturing na katapangan ito sa anumang uri ng sining, dahil hinahamon nito ang tradisyunal sa pamamagitan ng isang bagong pagtingin sa daigdig, na sa ganang kanya, ay sa pamamagitan ng telon.


Mahahaba ang mga pelikula ni Lav Diaz, halimbawa nga itong kanyang obrang nanalo na may walong oras ang haba, kumpara sa karaniwang dalawang oras na pelikulang komersyal na ipinalalabas sa mga sinehan.

Tuesday, February 23, 2016

POEROXTERTIAGONAY: LIMANG NAIS MAGING IKA-LABING-ANIM


 “Kīma tīdû ebūrum ina kīma inanna mannum mannam i-pa-al (Kung sino ang makakakumbinsi sa taumbayan at mapangangatawanan ang sinasabing pag-puno sa kakulangan ng kasalukuyan at nakaraan ay sya ngang makakakuha ng pagsang-ayon bilang pinuno ng mamamayan at sya rin namang magbabayad at sisingilin sa kanyang mga sinalita pagkaraan).” – Kawikaan sa Imperyo ng Akkadia

Tatlo hanggang anim na buwan lamang lilipulin ni Digong ang lahat ng kriminal at korap sa buong bansa, e masaker ‘yan, baka kalahati ng buong populasyon madale nya. Para kay Miriam kailangan mataas ang mga nakuhang marka sa academic record ng ihahalal, dahil hindi umano para sa mga bopol ang pagiging pangulo ng bansa. Para kay Roxas, kailangan na kung ano ang naranasan niyang rangya ay ganyan din ang ipararanas niya sa taumbayan. Sang-ayon naman kay Binay, gagawin nyang Makati ang buong bansa kung saan ang serbisyo ng pamahalaan ay lasap ng lahat. Para naman kay Poe ibibigay niya ang isang pamahalaang may puso sa taumbayan.

Ang sabi ni Mang Kanor na tindero ng gulaman, “Sa totoo lang wala akong maiboto e, walang mapili.” Para kay Aling Bebang na naglalako ng kalamay, “Nangku e puro pangako lang mga iyan.” Para kay Mang Kosme na taga-baklas ng bakal ng mga tulay kapag tulog na ang mga pulis, “Kahit sino ang ilagay ninyo diyan magnanakaw at magnanakaw kung hindi man sila ay mga bataan nila.” Ayong naman kay pareng George na dyipni drayber, “Kaya ako’y hindi na muna boboto wala din namang kwenta ang mga tumatakbo.” Para kay Mang Isong na retiradong sundalo, “Mas maganda diyan ay isang rebolusyon, ubusin na lahat ng mga manloloko sa taumbayan at palitan ang buong gobyerno.” Easy, easy boss Isong.

Sa totoo lang, napakaganda nang ganyang may pag-dedebate ang mga tumatakbong pagka-pangulo, nalalaman natin ang laman ng mga “coconut” nila. Kung papaloko tayo e bahala tayo. Ganyan talaga ang demokrasya, kung bobo o magnanakaw ang ihalal ng taumbayan e wala tayong magagawa kundi sundin ang dikta ng balota.

Napansin ko na sa mga nagsalitang presidentiable, e tanging si Binay lamang ang consistent ang eye contact na ang tingin ay nakatuon sa mga host ng Siyete na sina Mike Enriquez at Jessica Soho at moderator nitong si John Neri. Si Duterte ay tumitingin sa mga host habang nagsasalita ngunit tumitingin din sa studio audience. Si Poe ay sa audience tumitingin, sa isang marahil ay kakilala at sa notes na nasa kanyang harapan. Si Miriam naman ay sa audience nakatuon ang tingin. Samantalang si Roxas ay hindi alam kung saan nakatingin.

Importante itong behavior ng mga mata ng mga kandidato. Sa pamamagitan ng mga mata o pagtingin ng mga kandidato, mababanaag mo kamasa kung determinado ba, nakapaghanda ba, sinsero ba, nagsisinungaling ba o sadyang wala lang alam ang isang kandidato.


Sa mga susunod na debate, bukod sa mga salita, ay atin pong bantayan ang galaw ng mga mata ng ating mga presidentiable, at habang papalapit na nang palapit ang halalan e huwag na pong kukurap, at baka sa kangkungan na naman pupulutin ang taumbayan.

PITONG ULO NG DEMONYO


 “Gidim uru-ma ur sag-imin
(Ang demonyo ng bansa, ang asong pito ang ulo).” – Kawikaan sa Mesopotamia (5,500 hanggang 1,750 BC)
Ang unang ulo ng demonyo ay ang kahirapan at kagutuman, nagpapahirap sa mamamayan, nang-aalipin sa kanilang mga katawan at kaluluwa. Mailap ang saya, malapit masyado ang suliranin, hinahamak ang dignidad, tinatawanan ang katuwiran.

Ang bansa ay parang isang ibon na inilagay sa isang hawla, isang sistema na inimbento ng mga nangolonisa at ipinagpatuloy ng oligarkiya upang magpatuloy ang paghahari at masiguradong mapapalamon nito ang sariling pagkaganid magpa-walang-hanggan. Sinisigurado ng sistema na gutom ang tao, na mananatiling sadsad at nahihintakutang nagpupugay sa oligarkiya.

Ang ikalawang ulo ng demonyo ay ang pambansang utang, utang na kagagawan naman ng korapsyon, ng pagkaganid sa pondo ng publiko na sinisibasib ng naghaharing mga pamilya na ang pinag-aawayan ay ang kayamanang ipinagkakait sa mamamayan sa lahat ng henerasyon mula pa ika-16 na siglo. Higit 30% agad ng pambansang budget taon-taon ay pawang ibinabayad na lamang sa utang ng bansa kaya’t upang may maipangtustos sa mga proyekto ang bansa ay kinakailangang mangutang muli at muli.

Ang ikatlong ulo ng demonyo ay ang kawalan ng sapat na hanap-buhay sa bansa na nagtutulak sa mga Pilipinong mangibang bansa at mapalayo sa kani-kanilang mga pamilya, na syang pangunahing nangwawasak ng pamilya bilang isang institusyon, kung mayroon mang trabaho ay sinigurado ang proteksyon ng mga naghaharing uri sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon.

Ang ika-apat na ulo ng demonyo ay ang walang habas na pagwasak ng kalikasan at paglipol sa komunidad ng mga lumad upang masunod lamang ang dikta ng kagahamanan ng iilan.

Ang ika-limang ulo ng demonyo ay ang kawalan o malaking kakulangan ng mga serbisyong inaasahan ng mamamyan sa kanilang pamahalaan, samantalang patuloy na pinupuno ang mga bulsa ng iilan sa pamahalaan na walang kabusugan sa gitna ng kasalatan ng milyon-milyon sa mamamayan. Naririyan na din ang suliranin sa droga, kriminalidad at terorismo na sintomas ng kahinaan ng pamahalaan, isang kahinaan na ibinabandera pa ng lubos ng ating kahinaan upang mapanatili ang seguridad ng buong kapuluan laban sa panganib ng potensyal  na pag-atake ng ibang bansa. Isama na din diyan ang kawalan o kakulangan ng tunay na kahandaan sa harap ng kalamidad.

Ang ika-anim na ulo ay ang pribatisasyon ng produksyon, pagproseso at distribusyon ng kuryente na patuloy na nanlilinlang sa taumbayan sa kani-kanilang mga electric bill mismo, ang tahasang pambubulag sa mamamayan ng pinupuntahan ng daan-daang bilyong pisong kita mula sa Malampaya at pag-exploit ng kapital sa yaman ng bansa sa natural gas, langis at mga mineral.


Ang ika-pitong ulo ng demonyo ay mismo ang oligarkiya na sinisiguradong mananatili silang may kontrol sa bansa para patuloy na simsimin ang yaman ng buong kapuluan at patuloy na pagkaitan ang mga henerasyon ng taumbayan.