Hindi kinakailangang maging isang manghuhula upang marating
ang konlusyon na ito, kinakailangang lamang na sipatin ang track record ng
nasabing dating opisyal. Malinaw ding wala namang loyalty si Roxas, nagsilbi
siya bilang miyembro ng gabinete ng tatlong pangulo ng bansa.
Ano nga ba ang totoong kulay ni Ginoong Roxas? Nalaman pa
natin na ang may pinakamalaking take-home pay sa isang ahensiya ng pamahalaan
ay siya ang naglagay. Kung anong klaseng galing mayron itong taong ito na
kanyang inilagay sa pwesto ay hindi natin alam, ngunit nagtapos ito ng isang
four-year course na wala namang kinalaman sa pagpapatakbo ng ahensiyang ating
pinatutungkulan.
Kroniyismo ‘yan na malaki din ang naging papel sa
pagpapabagsak sa ating pambansang ekonomiya noong panahon ng diktadurya.
Ano nga ba ang mayroon si Ginoong Roxas na kalidad na maaari
nating tingnan upang gawin syang pangulo?
Wala sa kanya ang henyo na nasaksihan ng mamamayan kay Ginoong Ferdinand
Marcos. Wala sa kanya ang kalidad ng pamumuno na nasumpungan natin sa isang
Fidel V. Ramos. Wala syang antas ng kabanalan na nakita natin noon kay Ginang
Cory Aquino. Wala syang popularidad na katulad kay Ginoong Joseph Estrada. Wala
syang establisadong pangdaigdigang sopistikasyon sa kasanayan at talino sa
pagpapatakbo ng ekonomiya na katulad ng nasumpungan kay Ginang Gloria
Macapagal-Arroyo.
Kung wala sa kanya ang antas ng mga kalidad na naniwala
tayong mayroon ang mga nakaraang naging pangulo ng bansa, ay ano nga ba mayroon
ang isang Mar Roxas? Si Roxas ay matiisin, na kahit na isang insulto sa kanya
ang pag-bypass sa kanya sa Mamasapano Operation ay nanatiling nagpakumbaba siya
sa pangulo. Si Roxas ay may pagnanais na
makadaupang-bayan ang taumbayan kahit pa nga nagbunga ng pagkutya sa kanya sa
social media ang ginawa nyang pag-ta-traffic sa Commonwealth Ave., pag-salok ng
tubig, pagpako ng upuang pampaaralan at pagbuhat ng sako ng bigas.
Si Roxas ay pamali-mali sa kanyang mga datos sa Yolanda, sa
MRT, sa brownout at kriminalidad sa bansa. Walang iniwang kamangha-manghang
katuparan si Ginoong Roxas sa lahat ng departamentong kanyang pinaglingkuran,
sa DTI man, o sa DOTC o sa DILG.
Hindi natin hinuhusgahan ang galing ni Roxas na mula sa
kilalang angkan ng mga pulitiko. Hindi lamang natin mabanaag ang pwedeng asahan
sa kanya ng bansa sakaling siya nga ang maging pangulo. Sinisipat lamang natin
ang probabilidad ng isang Roxas presidency base sa kanyang track record at
kaalaman ng publiko ukol sa kanya. Good luck na lamang po Ginoong Roxas.
No comments:
Post a Comment