Tuesday, February 16, 2016

NOYNOY SA DISNEY



“Mûdû mûdâ li-kal-lim/ la mûdû ul immar (Hayaang ang nakakaalam ay ipaalam ang kaalaman, at siya namang hindi nakakaintindi ay hindi makakaalam).” ~ Kawikaan sa Mesopotamia (5,500 hanggang 1,750 BC)

Nakakainggit naman si Ginoong Noynoy Aquino, makaka-meeting niya ang mga executive ng Walt Disney International, at inaasahang pati na din sila Donald Duck na napapabalitang magbibigay ng matalinong advice sa pangulo ukol sa krisis sa South China Sea, maaaring sumama din sa discussion si Little Mermaid upang bigyan ng update ang pangulo ukol sa mga aktibidades sa ilalim ng karagatan ng Tsina. Hinihinala kasing lalo pang pinalakas ng dambuhalang bansa ang fleet ng mga submarino nito na handang makipagdigma sa isang kumpas ng mga Tsinong heneral.

Inaasahan namang makukumbinsi ng pangulo ang mga executive ng Walt Disney na padaungin sa mga airport ang 101 Dalmatian upang makatulong sa joint-monitoring ng mga balikbayan box na binubuksan at ninanakawan ng ilang airport personnel, magkatulungan din sa pagbabantay sa “bura sa passport” modus at matimbog ang mga nasa likod ng “tanim-bala” scam. Si Pluto ang magiging lead supervisor ng mga banyagang aso sa RP-Walt Disney joint operation na ito, si Goofy ang magiging dog-in-charge sa logistics, si Dumbo at Winnie-the-Pooh ay mga nag-boluntaryo upang magsilbing decoy, si Bambi naman ang magsisilbing PR muse at mascot ng proyekto at si Pocahontas ang aawit ng theme song upang mapaganda ang imahe ng Naia.

Magkakaroon din, ayon sa isang source na kasama sa entourage ng pangulo, ng isang close-door meeting sa pagitan ni Ginoong Noynoy at Aladdin, ukol ito sa poverty problem ng bansa. Malamang na mabigyan umano ang pangulo ng tatlong wish upang mawakasan na ang kahirapan sa Pilipinas.

Si Simba naman, na sa kasalukuyan ay nagbabakasyon sa Carribean ay hindi makahaharap sa pangulo, ngunit nakapaghanda umano ng isang taped recording na ipapanood kay Ginoong Noynoy sa pagbisita nito sa Disney, ito naman ay isang confidential advice upang malutas ang tatlong dekadang misteryo sa likod ng pagpatay sa bayaning ama na si Ninoy Aquino. Si Pinnochio naman ay makakapulong din ni Ginoong Noynoy upang bigyan ng ilang tip ang pangulo kung paanong mahuhuli ang mga korap sa kanyang gabinete, samantalang si Cinderella naman ay nakatakdang payuhan si Ginoong Noynoy ukol sa love life.

Sina Sheriff Woody at Buzzlightyear ay parehong nakaumang na kumbinsihin ang pangulo na maging consultant para sa ikareresolba ng mabigat na trapiko sa Metro-Manila. Ayon sa ating insider source, maaaring ikonsidera ito ng pangulo. Si Captain Hook naman, dahil na din sa lumalalang sitwasyon sa pagitan nila ni Peter Pan, ay handang mag-file ng indefinite leave sa Disney matapos magpahayag na handa syang magsilbing adviser ng pangulo sa gitna ng usap-usapang maraming kaso ang kakaharapin nito pagbaba sa Malakanyang.

Hindi naman umano nagustuhan ng pangulo ang patutsada ni Mickey Mouse na dodoblehin nito ang kanyang talent fee para lamang iendorso ang manok ni Ginoong Noynoy sa pagka-pangulo sa Mayo.

Kabaliktaran naman dito ay ikinatuwa naman umano ni Ginoong Noynoy ang mensahe ni Minnie Mouse na libre nyang ieendorso ang manok ng pangulo sa kondisyong isang babae ang mamanukin nito pagka-presidente.

No comments:

Post a Comment